Monday, December 28, 2015

Christmas Eve

Maagang kaming gumising ng aking pamilya, siniulan naming ang araw sa paglilinis upang sa pagsalubong ng kapaskuhan ay malinis ang aming bahay.
Nagwalis, nag hugas ng pinggan, nag buhat ng mga gamit upang ilipat ng puwesto, mga bagay na siya naming ikinapagod ko. Laban parin! Kailangan pang tumulong sa pagluluto ng mga handa.
Gabi na nang matapos kami sa paglilinis, nagtatalo-talo ang aking pamilya kung ano ang uunahin, mag simba o mag luto nang handa? Kung kami’y magsisimba, Tiyak na sa darating na Noche Buena ay wala kaming kakainin, kapag naman inuna ang pagluluto, aba para naming hindi naming naalala ang kapanganakan ng Panginoon.
Ngunit sa mga pagtatalong iyon, nauwi parin kaming manatili sa bahay at magluto ng mga pagkain, napag desisyunan na lamang namin na kinabukasan nalang mag simba tutal eh pasko pa naman noon.

Ayun! Naging masaya naman ang aming Noche Buena, maraming pagkain at ang bawat isa ay nabusog. Napakasaya rin dahil mayroon akong natanggap na regalo, kahit ganito ako eh may nagmamahal pala sa akin xD At kahit na hindi lahat nang nasa wish list o gusto kong matanggap ay natanggap ko, okey lang dahil alam kong imposible ang mga yun.

Wish List

Sa darating na kapaskuhan, syempre usto ko'ng marami akong matanggap na mga regalo pero kahit na wala eh okey lang rin naman dahil hindi naman para sa akin ang kapaskuhan, para ito sa ating Panginoon na si Hesus. Ngayong pasko, ang mga gusto kong matanggap ay ang mga sumusunod.

1. T-Shirt-Dahil alam kong magagamit ko ito sa pang araw-araw.
2. Wallet-Wala akong wallet
3. Iphone6-Trip ko lang magkaroon, para mukha narin akong mayaman.
4. Wrist watch na Original-Puro mumurahin lang kasi yung mga relo ko, kaya ayun.
5. Mawala ang mga takdang aralin at proyekto-Kaso mukhang imposible, pero wish ko parin.

Ayan lang muna! ^_^ Magkaroon lang ako nang mga 'yan, masaya na ako ^_^ 

Saturday, December 5, 2015

Music Video

Ang paborito kong kanta ay ang ‘Above all’. Ito ay isang kanta na papuri sa Diyos. Isa ito sa mga gusto ko’ng mga kanta dahil napakaganda ng mensahe nito. Kahit na hindi ka palabasa ng bibliya, malalaman mo kung ano ang mga hirap at pagpapkasakit na dinanas ng Diyos, si Hesus. Ang puso ko’y sobrang nagagalak, dahil kahit na ako’y hindi karapat-dapat upang tawagin niyang anak at kaibigan, handa pa rin siyang ibuwis ang sariling buhay masalba at mailigtas lamang ako.

Ang Music Video para dito ay talagang tumutugma sa mensahe ng kanta. ‘You were crucified and laid behind the stone’ Kasabay ng kantang ito ang video na pinapahirapan si Hesus, kung ano ang mga pasakit na kanyang dinadanas, at siya’y ipinako sa krus. Masasabi kong ang music video para dito at tugma para sa mensahe ng kanta.

Blog ng kamag-aral

Ito ang napili ko’ng blog na aking kamag-aral. Nagustuhan ko ang kwento ng kanyang buhay, kung paano niya ipinag malaki ang kanyang mga magulang, kahit na ang kanya’y manginisda lamang at hindi nakapagtapos ng pag-aaral, kaya parin nitong bigyan ng marangyang buhay ang kanyang pamilya. Natutuwa ako sa kwento ng kanyang buhay dahil halos ganito rin ang kwento ko, ang aking ama naman ay high school lamang ang natapos pero nabibigyan niya kami ng maayos na buhay.

Wednesday, December 2, 2015

Sabado at Linggo (Nobyembre 28-29, 2015)

Umagang kay-saya. Bakit kaya ang saya ko? Dahil ba fieldtrip na bukas? Excited yata ako masyado. Basta gumisng ako ng masaya at maghapon ay gumamit lamang ako ng computer na siyang nakapuno ng aking araw dahil kaunti lamang ang mga takdang aralin namin.
Dumating ang gabi, hating-gabi, madaling araw, aba! Tila hindi yata ako inaantok? Excited nga yata ako para sa educational tour na gaganapin sa Linggo, kinabukasan.
Ayun! Napuyat ako at dumating na nga ang araw ng Linggo, masaya ko itong hinarap. Tumungo sa paaralan, nag-antay, at ayun! Nagsimula na nga ang pinaka hihintay ko.  Ang malungkot lang ay puyat ako at hindi ko yata maeenjoy ang araw dahil sa antok. Pero nang kami’y magtungo na sa iba-ibang lugar kasama ang aking mga kamag-aral ay tila nawawala ang aking antok at napapalitan ng sigla dahil sa labis na kaliayahan.
Ito na ata ang pinaka masaya na may halong inis na araw sa buhay ko. Sobrang saya ko dahil sa aking mga kamag-aral na silang nagbibigay aliw sa bawat isa, nainis naman ako dahil sa pagsakay ko sa isang ride sa enchanted kingdom na ang pangalan ay space shuttle, isang parang roller coaster na pagbabali-baliktarin ang iyong katawan habang nakasakay ka doon. Ako ay may takot sa mga ganitong uri ng rides ngunit ito’y ‘di umubra nang ang aking mga kamag-aral ay mag pumilit na isama ako sa kanilang pagsakay dito. Pumila ng matagal, nag-antay, nainitan, nainis dahil may mga sumisingit sa pila, at pagkatapos ay makakasakay na kami.
Waaaaah!!!! Mga sigaw na tila hindi lumalabas sa aking bibig, kabang nakatago, pigil na iyak na lamang ang aking mga nagawa nang magsimula kaming sumakay dito. Tila’y magtatanggalan ang aking mga internal organs habang kami’y pinapa ikot-ikot nito. Nakaka inis sobra! Hindi ko na uulitin pang sumakay dito, tama na sigur ang isang beses. Pero masaya parin ako dahil naranasan ko ang bagay na aking kinakatakutan.

Gabi na nang kami’y makuwi, ang katawan ko naman ay sobrang pagod at tila’y babagsak nalang kung saan. Kaya nang ako’y makauwi, humiga agad ako, nagpahinga, at natulog upang magkaroon ng lakas upang harapi muli ang araw kinabukasan.

Sunday, November 22, 2015

Sabado at Linggo (Nobyembre 21-22, 2015)

"WALANG TULUGAN! >_<

Hindi ko alam kung ano ang uunahin. Pagkagising ko pa lamang ng Sabado ng umaga ay tila mamamatay na ako sa dami ng aking iniisip. Napakarami kong dapat gawin. Halos lahat na yata ng subject ay may takdang aralin.
“Huwag na lang kaya ako mag aral?” Isang talatang dumapo sa aking isipan habang ako’y nagmumuni muni. Nababaliw na ata ako at kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko. Minsan iniisip ko na lamang na sana’y isang araw gigising na lamang ako ng masaya, walang iniisip, at walang babagabag sa aking isipan na mayroon akong kailangan tapusin na gawain.
Ang mga ito’y tila pangarap nalang yata. Pero ako’y masaya at mapagpasalamat parin sa Panginoon at mayroon akong pinagkakaabalahan at nabubuhay parin kahit na stressed.
Naubos lamang ang aking buong Sabado sa kakagawa ng mga takdang-aralin dahil sumabay pa ang internet connection namin na tila pagong sa bagal na siyang naging dahilan upang matagalan ako sa paggawa ng mga takdang aralin. Internet na lamang ang aking paraan para mabilis na matapos ang mga ito dahil kung iisa-isahin ko pa ang mga libro ko bilang sanggunian marahil ay hindi ko ito matapos o hindi na ako matulog; tila nga naman nangaasar pa ang tadhana, kung kailan ko pa kailangan, siya namang hindi magamit ng maayos. Haaayyy. Halos maiyak na lamang ako dahil sa pangyayaring ito. Hindi lang naman kasi ang gawaing pampaaralan ang dapat ko’ng tugunan, maging ang aking pansariling buhay, kailangan ko’ng maglaba, maglinis ng bahay at kung ano-ano pa. Hindi ko na nga malaman kung ano ang uunahin ko sa kanila.

Linggo, nais ko sanang gumising ng maaga upang mag simba kaso, bigla namang dumapo ang katamaran sa aking nahihimlay na katawan sa kama. Pagod ako dahil napuyat ako kinagabihan. Sinimulan ko na lamang ang iba ko pang takdang-aralin upang matapos na ang mga ito at kinabukasan, Lunes ay handa na ako para sa pasukan.

Saturday, November 21, 2015

Pinaghiwalay ng abroad


Simula pa lamang ako’y bata, wala na akong pagkakataon na makasama sa araw-araw ang aking ama. Pitong anyos pa lamang ako’y nagsimula na siyang mag abroad habang ang aking ina at kapatid na lalaki naman ng aking kasama sa bahay.
Sa aking pagkabata, hindi ko man lamang naramdaman ang magkaroon ng isang ama na makakasama ko sa aking buhay. Iniisip ko na lamang na ito’y kanyang ginagawa lamang upang kami’y, ang kanyang pamilya’y magkaroon ng magandang kinabukasan. Kaya ngayon na ako’y malaki na at siya’y kasama na namin ng aking pamlya, hindi ko na ipinagtataka kung bakit hindi ako gaanong malapit o close sa kanya.
Sa aking pangungulila noong ako’y bata, napalitan naman ito ng saya at kakumpletuhan, dahil naging maayos ang aming buhay, nabibili ang pangangailangan, nasusunod ang mga luho, at hindi naghihirap.

Ngayon na kasama ko na ang aking ama  na siyang nangako na hindi na muli pang babalik sa lugar kung saan pakiramdam niya’y siya’y mag-isa, ang puso ko’y sobrang nagagalak at halos tumalon sa tuwa dahil siya’y makakasama ko na at matutupad na ang pangarap ko na dati’y tila imposible, ang makumpleto ng pamilya.

Monday, November 16, 2015

Pananampalataya

Sa pagtungtong ko sa ganitong edad, 15. Hindi man lang ako naging aktibo sa simbahan. Oo nagsisimba ako, pero dahil lamang ay pagkatapos ay gagala kami o pupunta kung saan man.
Lumaki akong hindi palasimba dahil kahit ang aking pamilya ay hindi rin naman aktibo sa simbahan. Nagsisimba lamang ako kapag ako’y sinasama ng aking mga tiya na siya naming aktibo sa simbahan at halos wala yatang linggong lumilipas na hindi siya nakakadalaw roon.
Patungkol sa kanyang mga pangako, siyempre ako’y umaasa. Ngunit ito’y hindi basta basta. Una ay kailangan mo ring sundin ang mga utos niya sapagkat hindi mo masasabing nasa panginoon ka kung hindi mo naman nagagawang sundin ang mga bagay na iniutos niya.
Ang kanyang mga pangako ay totoo at walang sinuman ang pwedeng makasira nito dahil sabi nga sa bibliya, ang panginoon lamang ang pinaka makapangyarihan sa lahat.

Ako’y patuloy na mananampalataya sa kanya dahil ito lamang base sa bibliya ang paraan upang makasama mo ang Panginoon. Sa aking pananampalataya, nasunod ko na rin ang kanyang utos at dahil doo’y maaari kong matanggap ang kanyang pangako.

Realisasyon sa Parabula ng Banga

Sa aking pagbabasa nito, ako’y nagkamali sa interpretasiyon patungkol sa mga banga. Akala ko’y ang bangang gawa sa porselana’y sumisimbulo sa mga mayayaman at bangang gawa sa lupa para sa mga mahihirap. Naintindihan ko lamang ang totoong kahulugan nito ng aming talakayin sa klase. Ako’y hindi makapaniwala dahil sa lalim ng ibig sabihin nito.
Nang ito’y talakayin n gaming guro, nalaman ko na ang bangang gawa sa porselana pala ay sumisimbulo sa ma kalalakihan; bangang gawa sa lupa naman para sa mga kalalakihan.
Natutunan ko na ang mga kababaihan ay dapat magkaroon ng limitasyon. Sa panahon ngayon ay napakarami nang menor de edad ang nabubuntis. Patunay na ang bangang gawa sa lupa na sa kanila’y sumisimbulo ay malambot di tulad ng mga kalalakihan na sumisimbulo sa bangang porselana na isang bangang matibay, at hindi mararanasan ang paghihirap na kakaharapin ng kababaihan kapag sila’y nasa kalagayan ng pagbubuntis ng maaga.

Sa aking realisasyon, natutunan ko na dapat tayong sumunod sa pao n gating mga magulang. Sila’y marami nang narating at naranasan kaya mas nalalaman nila kung ano ang nakabubuti sa atin, mga anak.

Saturday, November 14, 2015

Sabado at Linggo (Nobyembre 14-15, 2015)

Haaaaay!!! Sabadong kaypagod. Yung akala kong makakapag pahinga na ako? Aktibidad sa Redcross at pagkatapos at mayroong pagpupulong sa Stentor upang tapusin na ang dyaryo na inabot na ng halos gabi. Ayun! Gumising ako ng umaga ng masakit ang ulo dahil sa pagod at puyat. Napuyat ako dahil mayroon akong contest na sinalihan noong biyernes na inabot ng gabi at sa kasamaang palad ay hindi ko naiuwi ang titulo sa panglawang pagkakataon ng aking pagsali. Pero pinilit ko pa rin na bumangon upang gampanan ang aking tungkulin sa paaralan.
Nagsimula ang programang Global walk ng umaga at sa kasamaang palad at ay hindi naming nasimulan ang paglalakad dahil huli nang dumating an gaming service, ang bus-surahan. HAHAHA.  Masaya naman ang programang ito lalo na ang zumba dahil ito ang aking unang beses na makalahok sa ganitong sayaw. Sobra akong natuwadahil masarap palang sumayaw kahit na hindi ka marunong.
Nang natapos na ang programa, siya naming diretso sa paaralan kasama ang mga piling kamag-aral upang tumulong sa pagtatapos ng aming jaryo na halos hindi pa nangangalahati. Buti nalang ay marami ang tumutulong sa amig mga alumni na dati ring kabilang sa grupo ng pahayagan.

Linggo, Masaya naman ang paggsing ko ng araw na ito at wala na akong masyadong iniisip dahil kaunti lamang an gaming ga takdang aralin. Iniisip ko na lamang sa sana’y ganito na lamang ang aking araw-araw na buhay. Aral, gawa ng KAUNTING takdang-aralin, tulog, pahinga, kain. Ngunit ito yata’y napaka imposible dahil pagdating ng Lunes hanggang biyernes ay magsisimula na naman ang sakit ng aking ulo sa dami ng dapat gawin.

Sunday, October 25, 2015

Sabado at Linggo (October 24-25, 2015)

Masaya naman ang sabado at lingo ko ko ngayong lingo dahil pinilit kong wala munang isipin at gawin. Inenjoy ko muna ang dalawang araw na ito dahil mula lunes hanggang biyernes ay kailangang pumunta sa paaralan kahit na sembreak upang tumulong sa pagbuo ng diyaryo ng paaralan. 

SemBreak

Napaka dami kong gustong gawin ngayong sembreak dahil kahit papaano ay makakapag pahinga ako sa mga tambak sa Gawain sa paaralan ngunit ang lahat nang ito yata ay imposibleng mangyari dahil kailangan ko paring pumunta sa paaralan upang bumuo ng Diyaryo ng paaralan.

Ito ang aking mga gustong gawin kahit na alm kong imposible:
  1. Matulog-Nais kong bumawi ng tulog dahil kapag weekdays, halos gabi-gabi akong puyat at wala halos tulog dahil sa mga gawaing kailangang tapusin.
  2. Kumain ng marami-Dahil sa dami nang aking ginagawa, halos isang beses na lamang akong kumakain sa isang araw.
  3. Gumala-Gusto kong mag-gala kung saaan-saan upang mabawasan ang aking stress
  4. Mag-aral ng Lay-out-Nais kong mag-aral ng lay-out dahil sa November ay magkakaroon ng TLE Festival of Talents na may kategoryang Tarpaulin Design kung saan ako ang ipinanglaban ng paaralan noong 2014 ngunit hindi pinalad dahil ako’y hindi ganoon kahanda. Kaya nais kong paghandaan ang taong ito kahit na hindi ako sigurado kung ako parin ang kukunin nila bilang panlaban.
  5. Maglinis ng bahay-Nais kong linisan an gaming bahay na tila isang taon nang hindi tinitirahan, napakarumi nito. Gusto kong linisan ito upang makatulong naman ako sa bahay dahuil halos ara-araw ay wala na akong naitutulong sa gawaing bahay dahil sa tambak ng takdang-aralin.
  6. Manood ng pelikula-Hilig ko ang panonood ng pelikula kaya nais ko itong gawin ngyaong sembreak dahil hindi ko ito magawa kapag weekdays.
  7. Mag-aral ng grammar-Nais ko pang mapalawak ang aking nalalaman patungkol sa wikang ingles dahil isa ako sa manunulat ng ingles na pahayagan ng paaralan.
  8. Mag laro ng Outdoor-games-Gusto kong makipag laro sa aking mga nakababatang pinsan.
  9. Mag-jogging-Nais kong pumunta sa Marikina Sports Center at mag jogging kasama ang aking mga kaibigan, isa na rin itong paraan upang makasama ko sila na hindi ko nagagawa dahil halos maghapon ako sa paaralan.
  10. Mag bonding kasama ang pamilya-Dahil hindi ko na sila nabibigyan ng panahon kapag  may pasok, nais ko naman silang makasama ngayong sembreak.


Guro



Galingan mo! Kaya mo’yan! Ilan lang yan sa mga salitang nanggagaling sa kanya na nagiging ispirasyon para sa aming mga studyante niya.

Ito si Sir Fernando P. Timbal, isa sa aking mga naging Adviser ko ngayong  Sekondarya. Grade 7 pa lamang ako ay marami na akong naririnig na mga negatibong katangian niya, napakaraming takot, nahihiya, at naiiinis sa kanya dahil ito raw ay masungit, mataray, kaya natatakot na ako noon na maging isa siya sa mga guro namin at adviser pa.  Ngunit wala akong magagawa. Dumating ang Ikawalong baitang at siya nga ay naging adviser namin. At doon napatunayan ko na totoo pala ang mga iyon kapag ganun din ang mga stuidyante. Napakabait niya, napaka supportive at sa kanya lamang kami natutong lumaban at magkaroon ng self confidence. Ang pangkat kasi naming, 8-Aristotle ay puno ng mga napaka hiyaing mag-aaral at walang pakialam sa paligid. Wala kaming lakas ng loob na sumali sa mga organisasyon sa paaralan dahil ang ilan sa amin ay mababa ang tingin sa sarili at isa na ako doon, ngunit ang lahat ng ito’y binago niya. Ngayon, taas-noo na kaming humaharap sa tao ng may dignidad, lakas ng loob at tiwala sa sarili dahil ang lahat ng ito’y natutunan naming sa kanya. Kaya mahal na mahal ko siya at malaki ang pasasalamat ko sa kanya.

Pelikulang Babae ang Bida


Doomsday ang aking napiling pelikula. Sa pelikulang ito babae ang bida at ipinapakita ang kakayahan ng isang babae na kahit isa lamang siyang babae ay mayroon siyang kakayahang magligtas ng buhay ng ibang tao

Wednesday, September 30, 2015

Bakit mahalagang matutunan ang pagsulat ng sanaysay?

 Mahalagang matutunan natin ang pagsulat ng isang sanaysay dahil ito’y isang uri ng panitikan. Dito’y maaari mong ipahayag ang iyong saloobin o damdamin. Ito’y parang isang kwento na maganda ang paglalarawan, paghahambing, at kapaliwanagan na kapupulutan ng aral.

Ngunit sa pagpapahayg nito’y dapat maging maingat dahil maaaring makasakit ng damdamin ng mambabasa.

Monday, September 28, 2015

Opinyon tungkol sa karapatan ng mga kababaihan

Masaya ako dahil sa panahon ngayon ay nagkakaroon na ng mga karapatan ang mga kababaihan. Hindi katulad noon ay kalalakihan lamang ang may karapatan partikular sa edukasyon na ngayon ay parehong babae at lalaki na ang tumatamasa nito. 
Sa ganitong banda, mas mapaptunayan pa ng mga kababaihan ang kanilang mga kayang gawin at hindi lamang sila pang-bahay.

Sabado at Linggo (Setyembre 26-27)

Hinarap ko ang umaga ng Sabado nang may ngiti sa aking mga labi. Naging mapag-pasalamat ako sa Panginoon dahil sa panibagong buhay na ipinag-kaloob niya sa akin at ng aking pamilya. Sinimulan ko ang araw na ito sa paglilinis ng aming bahay dahil napaka-kalat at madumi. Nagising na lamang ako nang hapon malinis na ang bahay. Kailangan na namang humarap sa computer upang gumawa ng mga takdang-aralin. Gabi na nang ako'y matapos. Kaya ako'y natulog na.

Napaka ingay nang gumising ako ng araw ng Linggo dahil mayroong nagdiriwang ng kaarawan. Nainis ako dahil inaantok pa ako noon.  ako'y naligo na dahil naalala ko na mayroon pala kaming lakad ng aking mga kamag-aral. Pupunta kami sa Robinsons Place Antipolo upang manood ng "Heneral Luna". 
Lumabas kaming lahat sa kwarto ng panooran ng may ngiti sa aming mga mukha dahil sa sobrang ganda nito. Napakaraming nalaman at natutunan na hindi mababasa sa kahit anong libro.

Monday, September 21, 2015

Opinyon patungkol sa mga hayop na walang awang pinapatay

Photo credit to www.kozzi.com
Sa bawat hayop na pinapatay, palaki ng palaki ang nagiging epekto nito sa atin, mga tao. Dito’y maaaring maging hindi balance and ating ecosystem na sya namang napaka importante dahil ito’y nakatutulong sa pagtugon ng ating mga pangangailangan.

Nalulungkot ako sa mga tao na walang awang pinapatay ang mga hayop. Marahil ay hindi nila nalalaman ang masamang epekto nito. Ngunit sila parin ay may pananagutan dahil ito ay illegal at sabi nga, “Ignorance of the law excuses no one”

Sunday, September 20, 2015

Sabado at Linggo (Setyembre 19-20)

Araw ng sabado, isa sa napakasaya at hindi ko makakalimutang araw dahil ito ay ikalawang araw ng School Press Conference (SPC) kung saan ako ay nagkamit ng ikatlong puwesto sa Copyreading and Headlining. SPC ang umubos ng araw ko dahil ito ay simula ika-anim ng umaga hanggang ika-lima ng hapon. Pagkatapos ay pumunta ako ng aming tindahan sa Bagong Nayon, Umuwi at nagpahinga.
Nagsimula naman ang araw ng Linggo ko nang magising ako ng alas nwebe ng umaga. Naligo, kumain, at gumawa ng mga takdang-aralin. Malungkot ang araw na ito para sa‘kin dahil wala akong masyadong ginawa at naubos lang ang oras ko sa paggamit ng computer.

Thursday, September 10, 2015

10 Bagay na gusto kong gawin sa Korea


  1. Pumunta sa mga sikat at tanyag na lugar
  2. Makatikim ng mga pagkaing koreano
  3. Masubukan ang mga tradisyunal na sayaw
  4. Kumuha ng mga litrato
  5. Manood ng mga teatro
  6. Bumili ng mga Souvenir
  7. Makapag suot ng tradisyunal na damit
  8. Magluto ng kanilang mga pagkain
  9. Maglaro sa nyebe
  10. Matulog

Damdamin


Ang pagpapahayag ng damdamin ay ang pagsisiwalat ng laman ng puso. Ito ay ang nadarama hinggil sa mga sitwasyon at tao. Dito’y nakikita rin ang panloob na pagkatao ng isang tao. Maaari mong malaman kung ano ang ugali ng isang tao base sa kanyang paraan ng pagpapahayag ng damdamin.
Ang damdamin ay bahagi ng buhay ng tao. Sa pagpapahayag nito ay napakaraming mga bagay ang dapat isaalang-alang upang hindi maka sakit ng iba. Isa sa mga ito ay ang taong kakausapin mo. Iba’t-iba ang pananaw ng tao, iba’t-ibang paraan kung pano sila umunawa ng mga bagay at iba-iba ang pag iisip ng tao. Mayroong bukas ang isip, yung handang unawain at magbago dahil sa mga bagay na ayaw sa kanya ng isang tao, at mayroong nagagalit dahil sa mga negatibong ekspresyon ng tao sa kanila. Kaya’t sa pagpapahayag nito’y dapat mag-ingat. Maaaring ipahayag ito sa mabuting paraan at huwag gumamit ng mga salitang masama ang dating sa iba. Sabi nga ay, huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin din sayo.


Monday, August 17, 2015

Unang Markahan

Unang markahan palang, talaga namang napaka saya at produktibo. Napakaraming mga bagay ang natutunan, nalaman at mga masasayang nangyari.
Sa araw-araw na nagsisimula ang aming klase, punong-puno ng saya ang aking puso. Panibagong araw na naman na may matututunan ako. Masaya ako na ang naging guro naming ay si Gng. Mixto. Napakabait, yung tipong makwela at masayahin.

Sa pagsisimula naman ng Ikalawang markahan, inaasahan ko na ito’y magiging mas mahirap ngunit masaya dahil sa aming guro na makwela. Masaya ako dahil maraming bagay na naman an gaming matutunan. 

Tuesday, August 11, 2015

Paboritong Kwento-Reaksyon


Napakaraming mga alamat at kwentong pambata ang maganda ngunit ang isa sa mga ito para sa akin ay ang Alamat ng Pinya. Ang alamat na ito ay tungkol sa mag nanay, si Pina ang anak at si aling Rosa naman ang nanay. Nagsimula ang kwento ng magkasakit ang kanyang nanay at kailangan niyang utusan ang kanyang anak na si Pina. Isa na dito ang pagluto ng luygaw upang kanilang kainin. Hinanap ni Pina ang sandok at hindi niya ito makita. “Naku Pinang sana’y magkaroon ka ng maraming mata nang Makita mo ang lahat ng bagay” Katagang lumabas sa bibig ngkanyang ina dahil sa gali.
Kinabukasan ay hindi makita ng ina si Pinang at nang ito’y magwalis ay may nakita itong halaman na kakaiba ang uri. Pagdaan ng mga araw ay tumubo ito at ang bunga’y tila may ulo at napapalibutan ng maraming mata

Dito’y natutunan ko na dapat ay maging masunurin at kung may hinahanap, mata muna ang paganahin bago ang bibig. Maging handa parating tumulong at kapag inuutusan ay huwag nang mgdahilan dahil higit pa ang nagagawang sakripisyo n gating mga mgulang kumpara sa maliit na bagay na kanilang inuutos.

Thursday, August 6, 2015

Kaibigan

Ang hirap makahanap ng totoong kaibigan.’ Yun bang, handa kang tulungan at makasama kung ano man ang iyong dinadala, handa kang tanggapin kung anong ugali mo, tutulungan kang mag-bago kung ano man ang hindi magandang ugali na iyong tinataglay, pakikinggan ang lahat ng drama mo sa buhay. Mga ganung bagay ba?
Mabait. Tapat. Maaasahan. Mapag-kakatiwalaan.  Ito’y ilan sa mga katangian na gusto ko sa isang kaibigan. Lahat tayo ay may kaibigan, gayun pa man hindi naman lahat ito’y maaasahan at hindi naman lahat ng tiwala ay ibiniigay natin, kung minsan pa nga ay ito pa ang nakakasira sa buhay ng isang tao bandang huli.
Ngayon, masasabi kong bilang lamang sa kamay ang mga kaibigang mapagkakaiwalaan na mayroon ako. Yung iba, kaibigan ka lang kapag may kailangan, yung iba pa nga ay kakaibiganin ka pa para lang kunin ang loob mo at kilalanin, at bandang huli ka sisiraan dahil ito pala’y may galit o naiinggit sa iyo.

Pero kahit ano pa man ang mangyari, Masaya ako at may mga kaibigan ako na nagpapasaya, tinutulungan ako, nakakaintind sa bawat drama ko, at yun bang nakakasama ko sa mga kalokohan. Kaya ganoon ko nalang sila pahalagahan, bigyan ng importansya, at ilibre kung sila’y maglambing dahil kapag sila’y nawala, sobrang hirap makahanap ng katulad nila.

Monday, August 3, 2015

“Kay Buti mo sa Akin”



Noong una kitang makita
Puso koy natuwa
Ugali mong kay bait
Marami’ng tao’y naaakit

Oo ako’y iyong tagahanga
Simula nang ikay makilala
Pananaw ko’y nabago
Dahil sayo’y nalaman ang hindi at oo

Lakas ng loob na iyong tinataglay
Problemang hindi isinasabuhay
Panginoon ang tanging sentro
Kaya ako’y bilib saiyo

Ako’y masaya ika’y naging kaibigan
Sayo ako’y maraming bagay ang natutunan
Hiling ko’y iyong ipag-patuloy

Pag-asa na sa puso mo’y dumadaloy

Sunday, August 2, 2015

Above all Ni: Paul Baloche

Ito ang isa sa aking mga paboritong kanta na nilikha ni Paul Baloche na isang American Christian Artist. Ito ay isang kantang papuri para sa Diyos. Nagbibigay kaalaman ito patungkol sa mga mabubuting bagay na ginagawa ng Panginoon para sa atin; ipinapakilala kung gaano kadakila ang Panginoon sa mga bagay na kanyang ginagawa; Nagbibigay kaalaman kung gaano tayo kamahal ng Panginoon , ibinuwis n’ya ang kanyang sariling buhay para tayo na makasalanan ay matubos sa kamatayan at magkaroon ng buhay na walang hanggan kasama siya kahit na tayo’y hindi kalugod-lugod sa kanyang harapan at ganoon na lamang kung gumawa tayo ng kasalanan at hindi natin sundin ang kanyang mga pangaral.
Malaki ang naitutulong ng kantang ito para sa akin. Dahil dito ay nagkakaroon ako ng gabay sa tuwing ako ay nagdarasal. Ipinag-papasalamat ko ang kanyang pag-alay ng sariling buhay para sa atin. Natutunan ko rin dito kung paano pahalagahan ang mga bagay at ipagpasalamat ito maliit man o malaki.

Friday, July 31, 2015

Ang Alamat ni Juan Tamad


Photo Credit to Rose Jarvis

Ang Alamat ay isang palabas na inilathala ng GMA 7 nito lang Hulyo, ang palabas na ito ay ang kauna-unahang cartoon na nagmula dito sa Pilipinas. Ginawa ito upang maipakita ang kultura at tradisyon ng mga Pilipino. Base naman sa aking napanood noong Hulyo 19,2015, ang Alamat ay tungkol sa Alamat ni Juan Tamad. Sa palabas na ito ipinapakita na hindi magandang ugaliin natin ang pagiging  tamad.  “Ang walang ginagawa ay walang mapapala.” Isang kataga na nagmula kay Maria para kay Juan Tamad. Natutunan ko sa mga salitang ito na ang lahat ng bagay ay pinaghihirapan bago mo makamit ito at dapat ay mayroong sipag at tiyaga.Dito rin nabago ang pananaw ni Juan Tamad na mali ang kanyang ginagawa at dahil sa mga ito sumasama ang pakiramdam ng kanyang ina sa kanyang ginagawa at dahil narin sa mahal nya si Maria Masipag nagawa nyang sya ay magbago. Mula sa pagiging Juan Tamad, ito ay naging Juan Tama.

Sabado at Linggo (Hulyo 25-26 2015)

Masaya akong gumising ng Sabado ng umaga, walang pasok at tanging mga takdang aralin lamang ang aking gagawin at akoy makakapag pahinga, ang tanging iniisip ko nang biglang… “Kring! Kring! May Meeting sa Mapeh!!!” Tumunog ang aking reminder sa cellphone. At ayun! Nagmadali akong maligo, magbihis at kumain upang tumungo na sa aming napag usapang lugar.
Ala-una ng hapon nang natapos ang aming pangkatang gawain, inaya ako ng isa akong kamag-aral na samahan ko daw siya pumunta sa mall dahil mayroon daw syang kailangang bilhin. Alas kwatro nang hapon ng kami’y nakauwi. Pagdating sa bahay ay nagpahinga ako, kumain, gumamit ng computer upang gawin ang mga takdang aralin at gabi na ng ako’y matapos. Nagpahinga sandali, gumawa ng mga ingay kasama ang aking pamilya habang nanonood ng telebisyon hanggang sa ‘diko namalayan ay nakatulog na pala ako.
Nang gumising ako ay araw na ng Linggo, panibagong araw na naman ngunit tanghali na ako nagising dahilan at hindi ako nakapag simba kaya malungkot ako ng araw na ito. Sinabi ko na lamang sa sarili ko na “Ok lang, tatapusin ko na lamang ang lahat ng aking mga takdang aralin”.  Pagkatapos ng mga ito, tanghali na. “Matutulog ako para naman mabawi ko yung isang linggong araw-araw puyat” Nakatulog na ako nang biglang may gumising sa akin, ang aking Ina, nagpapasama sa Taytay upang mamili ng mga gamit kaya agad akong bumangon at siya’y sinamahan. Gabi na nang kami’y makabalik. Natulog na nang maaga upang harapin muli ang nakakapagod na Lunes kinabukasan.


Nalungkot ako ng husto dahil ang layunin ko kapag Sabado at Linggo ay matulog upang mabawi ko naman ang Isang Linggong puyat araw-araw ngunit hindi ako nagtatagumpay dahil sa mga bagay na hindi pumapabor sa akin. Pero ipinag-papa-salamat ko pa rin ito dahil patuloy akong nabubuhay at napapagod ako sa aking mga ginagawa kaysa maubos ang aking oras nang hindi ako nagiging produktibo.