Saturday, February 27, 2016

Sabado at Linggo (Pebrero 27-28, 2016)

Kahit na pagod at puyat, dahil sa Field demonstration kahapon, pinilit ko parin bumangon upang maghanda sa pagpunta na Technological Institute of the Phillippines (TIP) sa Quezon City. Mayroong gaganaping workshop patungkol sa Google Sketch Up at Webpage Making.
Kasama ko ang aking piling kamag-aral at iba pa sa baitang sampu. Naging masaya naman ang araw na ito na sa dami ng aming natutunan at na-experience.
Ito ang aking unang beses na makatuntong sa lugar na ito, at lubos naman akong namangha sa mga pasilidad dito. Kumbaga eh kumpleto sila sa lahat, ang gagawin mo na lamang ay gamitin ang mga ito. Tunay na worth it yung medyo may kamahalan na tuition fee dahil hindi kayo mamomroblema sa mga kagamitan. ‘Di tulad ng ibang College Universities.
Baka nga dahil sa mga nasilayan at nalaman ko, ay dito na ako mag-aral ng kolehiyo. Nalaman ko na ang paaralang ito ay kabahagi pala sa ABET o ‘yung kunwari ay naka graduate ka bilang isang Computer Engineer, pagdating mo sa ibang bansa ay hindi ka lang isang dihamak na technician, ito aprin ang trabahong ibibigay sa iyo. Napakaganda talaga.
Pero balik tayo sa workshop. Nakakalungkot dahil hindi man lamang pinalad na makasama sa mga nanalo ang design na aking ginawa sa Google sketch up. Pero, kahit na ganoon, mas mahalaga parin ‘yung mga natutunan ko.
Kaugnay nito, napasama naman sa mga parangal ang design ni Jemer Tuberon, aking kamag aral at Jhomar Catuiza, baitang sampu para sa webpage design.
Okay na rin ‘yun dahil sa lahat ng paaralan sa Antipolo City ay mayroong naiuwi ang aming paaralan.
Workshop lang naman ito eh, hindi naman kompetisyon kaya ayos lang kahit hindi nanalo. Naging masaya naman.
Gabi narin nang kami’y makauwi. Sa aking pagod, dumeretso ako sa kuwarto upang ihimlay ang pagod na katawan sa kama.
Alas-nuwebe ng umaga, Linggo ako nagising. Laking pasalamat ko at nakabawi ako ng tulog dahil sa sunod-sunod na puyat dahil samga gawaing pampaaralan.
At as usual, Linggo, gawaan muna ng mga nakatakdang tapusin na mga proyekto. Upang sa pagpasok kinabukasan, Lunes, ay handa ako.

Field Demonstration 2016


Sa lahat ng laban, walang mananalo kung walang talo. At hindi sa lahat ng oras, nasa ibabaw tayo. Sabi nga nila, umiikot ang mundo. Pero sa likod ng mga ito, dapat ay lagi tayong handa kung ano pa man ang maging resulta ng ating laban.
Nito lamang nakaraang biyernes, Pebrero 26, 2016, ginanap sa aming paaralan, ang Mambugan National High School, ang Field Demonstration.
Para sa baitang sampu, Hiphop ang sayaw na dapat nilang ipamalas, social dance para sa baitang siyam, cultural dance para sa baitang walo, at excercise para sa baitang pito.
Ilang linggo bago ganapin ang nasabing kompetisyon, ay puspusang naghahanda ang aming pangkat, na nabibilang sa baitang siyam kung saan ay dapat naming ipamalas ang aming natatagong mga talento sa pagsayaw ng social dance. ‘Marry Me’ ni Jayson Derullo ang napagkasunduang kanta na aming sasayawin.
Sa pangunguna ni Frances Aranjuez at Jackielyn Bonganay, aking kamag-aral, halos araw-araw kaming nagsasanay at naghahanda para sa kompetisyon.
Sa una pa lamang ay malaki na ang aming paniniwala na maiuuwi namin ang korona dahil sa ganda ng choreography ng aming sayaw at dahil kami ang nasa pinaka unang pangkat ay marahil nasa amin ang mata ng mga hurado.
Kasama ang pangkat, Cebu, Eastern Samar, Florida Blanca at kami pangkat Antipolo, handa nang sumabak sa laban sa iba’t ibang pangkat sa baitang siyam.
Ilang oras bago simulan ang labanan sa pagitan ng mga grupo sa baitang siyam, kanya kanya lagay ng kolorete sa katawan ang bawat isa. Hairspray na kulay-rosas at banderitas ang napili para sa aming props.
At dumating na nga ang oras na pinaka hihintay ng bawat isa, ang maihandog ang nabuo naming sayaw. Naging maayos naman ang pag-eexecute ng sayaw, kahit na mayroong iilan-ilan sa amin na nakalimutan ang mga susunod na hakbang na siya namang hindi talaga maiiwasan.
Nang matapos ang iba’t ibang grupo ng ika-siyam na baitang maipamalas ang mga natatanging talento sa pagsayaw ay lubos kaming nadismaya dahil sa punong puno sila ng props sa katawan. At kami na kulay sa buhok lamang ang kolorete sa katawan ay hindi pa raw naging visible sa paningin ng mga manonood dahil umaga ito ginanap at hindi pa sikat ang araw.
Tinawag ang nagkamit ng ika-talo at dalawang puwesto. Aba wala kami doon, marahil ay kami nga ang nanalo, dahil base sa aming pananaw sa aming napanood, hindi naman ganoon kaganda ang choreography ng ibang pangkat at ang iba pa nga ay hindi na social dance ang ipinakita dahil sa paggamit nila ng remixed na kanta.
Kinakabahan ang bawat isa dahil dalawang grupo na lamang ang hindi natatawag, isa na doon ang aming pangkat.
Hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asa na makuha ang tropeyo ng pagkapanalo. Hanggang sa tanghaling kampeon ang isa naming kalaban.
Nakalulungkot ang nangyari, lahat kami ay nadismaya sa resulta ng kompetisyon. Dahil sa apat na magkakatunggali, ay kami ang pang apat. Nakakahiya lamang dahil kami pa naman ang nasa pilot section, dapat kami ay competitive.
Marahil ay bumagsak kami sa props, ito pa naman ay 20% ang laking hatak sa amin pababa.
Hanggang ngayon ay hindi parin namin matanggap ang nangyari. Nakakahiya talaga. Pero naging masaya parin kami dahil marami kaming napasaya at naging aral na rin ito sa amin.
Kami ay baitang siyam pa lang naman, may susunod na taon pa. Aming mas pagbubutihan at paghahandaan ang susunod na mga laban.

Choreography is quite prominent to the props~

-JanKevin T. Mendoza

Wednesday, February 24, 2016

EDSA

Photo credits: en.wikipedia.org
Bilang mag-aarala sa ika-siyam na baitang, matutunan ko na kung ano nga ba ang EDSA People Power Revolution.
Basically, ang akronimo ng EDSA ay Efipanio delo Santos Avenue, isang kalsada sa kalakhan ng Maynila.
Ito ay ang himagsikan ng lakas ng bayan na tinatawag ding EDSA rebolusyon 1986.  Ito ay isang mapayapang demonstrasyon na nagtagal ng apat na araw sa Pilipinas, mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 ng taong iyon. Nag-ugat ang nasabing rebolusyon sa serye ng mga kilos protesta ng mga tao laban sa diktaturyang pamumuno ni Ferdinand Marcos, lalo na noong napatay si Ninoy Aquino noong 1983. Maraming mga tao ang nakilahok dito--mga sibilyan, militar at mga alagad ng simbahan tulad ni Jaime Cardinal Sin. Nagdulot ito ng pagbagsak na pamahalaang diktatoryal ni Pangulong Ferdinand Marcos at ang paghalili ni Corazon Aquino sa posisyong nilisan ni Marcos. Naganap ang mga demonstrasyon sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), isang mahalagang daan sa KALAKHANG MAYNILA. 






Pagkabata

Tunay nga na walang permanente dito sa mundo. Mayroong mga mayaman na sa kalaunay naghihirap. Mayroong mga pinapalad na makatikim ng gintong kutsara. Mayroong mga mapapayat na dati’y tila elepante sa katabaan.
Palaro-laro lamang, walang iniisip, walang problema. Napaka saya talagang maging isang walang muwang. Ika nga “Nothing’s permanent in this world” Marahil naging masaya ka sa pagkabata, marahil hindi. Ngunit napaka bilis lamang ng takbo ng panahon. ‘Yung bang isang araw ay gigising ka na lamang na iba na ang takbo ng buhay.
Photo Credits: Globalnation.inquirer.net
Nakakalungkot nga lang na dahil sa salitang ‘walang permanente’ ay may mga bagay na mawawala na lamang bigla na ‘di sang ayon sa kagustuhan mo. Dahil sa salitang ito, nabuhay ang pandiwang ‘nostalgic’ sa ingles o ‘yung pakiramdam na gusto mong balikan lahat ng mga masasayang bagay na nangyari sa buhay mo.
Bilang isang mayroon nang parte sa mundo o okupado ang pananaw sa realidad ng buhay, mayroon din tayong gustong balikang mga ala-ala o gawain na siyang magpapatalon ng ating mga puso sa galak.
Ako bilang nasa ika-siyam na baitang na at mayroon nang kaalaman sa takbo ng buhay, nais ko rin balikan ang paglalaro ng mga larong kalye tulad ng ‘patintero’, ‘tumbang preso’, ‘batuhang bata’, ‘yung bang uuwi ako nang aming tahanan na duguan ang binti dahil sa sugat na nakuha sa pagkadapa sa paglalaro ngunit kalakip naman nito ang galak at memoryang tatatak sa aking puso’t isipan na ako’y masuwerte dahil naranasan ko ang buhay ng isang bata.
Ngayon, hindi ko alam kung mangyayari pa ulit ang mga bagay na ito. Pero dahil “With God nothing’s impossible” patuloy ko paring hiling na maranasan kong muli ito. Ang bagay na nagsilbing patunay ng aking pagkabata. At bagay na nakatatak sa aking isipan at nagbigay ng galak sa aking puso na araw-araw kong baon.

Saturday, February 20, 2016

Pagkagulat

Halos mabingi ako sa lakas ng kabog ng aking puso. Nakakagalit at nakakainis. Tila ayoko huminga sa loob ng mundo.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko noong araw na iyon. ‘Sana ay hindi na lamang nangyari ang araw na ito’ Mga salitang namumutawi sa aking isipan.
Kontra ang aking isipan na mangyayari ito. Nakaka kulo talaga ng dugo. Umaga nang ako’y magising, ako’y nalungkot ng bahagya.
Ang masira ang aking makinis na mukha dahil sa isang napakalaking tigyawat. Inis na inis ako dahil sa buong buhay ko ay ngayon lamang ako nagkaroon nito.
Halos mapudpod ang aking mukha sa kakakuskos ng sabon. Sa kagustuhang matanggal agad ito.
Ngunit sa huli, ako’y nagkamali dahil sa aking mga ekspresiyon dahil ito daw ay normal lamang at kasama sa pagtanda. Kaya ang mga galit at inis ay napalitan ng pagkagulat at tuwa dahil ilang araw lamang ay nawala din ito. 

Araw ng mga Puso

Tuwang tuwa na naman ang mga tindera at tindero ng mga bulaklak at tsokolate.
Gamit ang ang kuwartang matagal na itinupi at inipon sa pitaka, kanya kanyang bili ang mga kalalakihan ng mga ito para sa kani-kanilang mga iniirog.
Kanya kanyang grupo ng mga magkasintahan sa mga kainan na tila ‘di mahulugang karayom.
Sa kabilang dako, nariyan din naman ang mga ‘bitter’ kung tawagin, o walang syota na idinadaan na lamang ang pagpapaskil sa kani-kanilang mga social media accounts ng kanilang mga hinaing patungkol sa pagdiriwang ng araw ng mga puso.
Ngunit ang araw ba ng mga puso ay para sa mga magsing irog lamang? Hmmm. Marami yata ang nagkamali ng pakahulugan dito.
Ang araw ng mga puso ay patungkol sa pagmamahalan. Magsyota man o hindi, dapat ay nagdiriwang nito. Matanda, bata, o kahit ano pa man ang antas ng pamumuhay, mayroong karapatang magdiwang nito.
Pero dahil sa kulturang siyang nagpasapasa na, ito ang pakahulugan ng marami.
Nakakalungkot lamang na ang pagdiriwang na ito’y hindi ko man lamang naramdaman dahil sa tambak na gawain sa paaralan.
At ayun. Nagpaka stress lamang ako sa pagtapos ng mga ito.
Pero, patuloy ko parin na hiling ay sana mabago ang ganitong kaugalian at paniniwala. Ang araw ng mga puso ay para sa lahat.


Monday, February 1, 2016

Sabado at Linggo (Enero 30-31, 2016)

 Ano ba ang ginawa ko ng araw na ito? As always J Sabado na naman, edi TULOG ULIT! ^_^ AHAHAHAHA. Aba! Napakasarap kaya matulog nang wala kang iniisip, kaay sulit.
Napakatamad ko yata. Pero totoo naman. Wala akong maalala na ginawa kong may kabuluhan ngayong araw kundi ang matulog lang, FB, IG, at matulog ulit. Napakasaya na walang gagawin.
Kring! Kring! Tunog ng aking cellphone ko ng alas kuwatro ng madaling araw. Bumangon, naghilamos, tumingin sa oras, at naalala kong Linggo lang pala. Nakakabanas! Bakit ba hindi ko napatay yung alarm ko kinagabihan? Naputol tuloy ang mahimbing na tulog ng aking pagod na katawan.

Pagod na katawan kahit na wala anman ginawa noong Sabado. AHAHAHAHA! Astig ‘diba? Ewan ko ba basta ang alam ko lang eh pagod ako at matutulog ako. AHAHAHAHA! Tapos ‘yun sinamahan ko si Mama noong hgapon na sa aming tindahan sa Bagong Nayon, nakakpagod kaya nagpaundo ako sa papa ko noong gabi na at natulog narin pagkauwi dahil maaga na naman akong kailangan gumising kinabukasan para pumasok sa paaralan.