"WALANG TULUGAN! >_<
Hindi ko alam kung ano ang uunahin. Pagkagising ko pa lamang
ng Sabado ng umaga ay tila mamamatay na ako sa dami ng aking iniisip.
Napakarami kong dapat gawin. Halos lahat na yata ng subject ay may takdang
aralin.
“Huwag na lang kaya ako mag aral?” Isang talatang dumapo sa
aking isipan habang ako’y nagmumuni muni. Nababaliw na ata ako at kung ano-ano
ang pumapasok sa isip ko. Minsan iniisip ko na lamang na sana’y isang araw
gigising na lamang ako ng masaya, walang iniisip, at walang babagabag sa aking
isipan na mayroon akong kailangan tapusin na gawain.
Ang mga ito’y tila pangarap nalang yata. Pero ako’y masaya at
mapagpasalamat parin sa Panginoon at mayroon akong pinagkakaabalahan at
nabubuhay parin kahit na stressed.
Naubos lamang ang aking buong Sabado sa kakagawa ng mga
takdang-aralin dahil sumabay pa ang internet connection namin na tila pagong sa
bagal na siyang naging dahilan upang matagalan ako sa paggawa ng mga takdang
aralin. Internet na lamang ang aking paraan para mabilis na matapos ang mga ito
dahil kung iisa-isahin ko pa ang mga libro ko bilang sanggunian marahil ay
hindi ko ito matapos o hindi na ako matulog; tila nga naman nangaasar pa ang
tadhana, kung kailan ko pa kailangan, siya namang hindi magamit ng maayos.
Haaayyy. Halos maiyak na lamang ako dahil sa pangyayaring ito. Hindi lang naman
kasi ang gawaing pampaaralan ang dapat ko’ng tugunan, maging ang aking
pansariling buhay, kailangan ko’ng maglaba, maglinis ng bahay at kung ano-ano
pa. Hindi ko na nga malaman kung ano ang uunahin ko sa kanila.
Linggo, nais ko sanang gumising ng maaga upang mag simba kaso,
bigla namang dumapo ang katamaran sa aking nahihimlay na katawan sa kama. Pagod
ako dahil napuyat ako kinagabihan. Sinimulan ko na lamang ang iba ko pang
takdang-aralin upang matapos na ang mga ito at kinabukasan, Lunes ay handa na
ako para sa pasukan.